Mga Basag na Panaginip
Posted by Jesto at 08:51 PM on July 7, 2007 in Halo-halo.
Nagsimula ang lahat nang nagising ako sa aking kwarto. Sabado, 10:00 na ng umaga, umuulan kaya malamig ang simuy ng hangin. Ang sarap ng gising kahit puyat kagabi. Yes! Walang pasok! Haaay sarap!.
Pero hanggang duon na lang ang hype ng weekends, tuwing umaga lang masarap at ang kabuuan ng araw ay nakakabagot. Hindi ko alam kung bakit pero sa mga ganitong araw nahihirapan akong maghanap ng mapaglilibangan. Pinakamasayang gawain ko na siguro ang magbabad sa harap ng kompyuter, titigan ang monitor o kaya manood ng mga palabas sa bloomberg. Buong linggo ay nasa eskwelahan, sa mga araw na walang pasok, gusto ko sanang maging produktibo. Tumambay sa loob bahay.
Dahil naramdaman ko na espesyal ang araw na ito, naghanap ako ng mga paraan para aliwin ang sarili lalo na’t nabalitaan ko na ngayon daw ang pinakamaswerteng araw sa kasayasayan ng buong mundo.
12:30. Sabi ng mga kaklase ko noong HS days, matino daw ako gumuhit ng mga anime characters. Ang hindi nila alam ay hanggang ulo at mukha lang ang kaya kong iguhit. Kaya pagkatapos ko silang pabilibin sa pagdodrowing ng mukha e binabaling ko ang atensyon nila sa ibang bagay, tulad ng pagkekwento tungkol sa langgam na kumakain ng elepante. Nagiging utak alien kasi ako pagdating sa human anatomy na para bang hindi pa ako nakakita ng katawan ng tao. Kahit na balibaliktarin ko pa ang ballpen sa pagguhit ng katawan, e nagmumukha pa rin itong may scoliosis. Palpak ang balak kong hasain ang talento sa pagguhit.
3:40. Mag-aral ng nihongo. Wala lang, para sikat ka dahil bukod sa panonood ng hilaw na anime ay magkakaroon ka na ng alternatib sa pagpapaimpress ng mga chikakas gamit ang karabaw engrish . Pero dahil internet lang ang medium ko sa pag-aaral ng nasabing lengwahe, walang malinaw na direksyon sa pagtuturo nito. Bukod pa dun, nalaman ko na ang Nihongo pala ay kombinasyon ng tatlong iba’t ibang klase ng skriptura, ang kanji, hiragana at katakana. Hindi ko na binilang kung ilang simbolo mayroon ang bawat skriptura. Magbabasa na lang ako ng table of elements.
5:36. Hapon na. Patapos na ang araw. Napatunayan ko na impossibleng gumaling sa pag-guhit at matuto ng nihongo ng sabay sa loob ng isang araw. Sumubok pa ako ng ilan pang 'small time' na pang-aliw, tulad ng pagtatasa ng lapis habang nakapikit at pag-awit ng imbentong lyrics. Kalokohan pala ang prinsipyong tumambay sa loob ng bahay tuwing sabado dahil wala ka talagang mapapala.
Pero hindi ko yun matatanto kung hindi ko naisipang ilapat ang nilalaman ng utak sa matunog na 'takatak' ng keybord . Nagawa kong lingunin ang walang kwentang pakikibaka sa araw na ito. Para akong naglakbay sa oras.
Masarap palang magsulat, nailalabas mo ang lahat ng iyong saloobin at pwede ka pa magdagdag ng pauso o kaya naman magsinungaling. Kakaiba. Parang may sarili kang mundo. Ikaw ang panginoon ng iyong istorya, pwede kang maging bida o kaya naman gawing katawa-tawa ang iyong pagkatanga. Walang makikialam. Walang makakaalam.
Tingin ko ay swerte nga ang araw na ito.
[balik titig sa monitor]


